MAGUINDANAO DEL NORTE-Isa sa pangunahing programa ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform – Maguindanao ay pamamahagi ng farm inputs sa mga magsasaka ng palay sa Sultan Mastura bilang bahagi sa paggunita ng National Rice Awareness Month (NRAM) ngayong taong 2024.
Ang aktibidad ay ginanap sa BARMMIAFRC, Simuay Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte ngayong Nobyembre 27, 2024 na pinangunahan ni MAFAR – Maguindanao Provincial Director Ronjamin Maulana kasama si Saudi Mangindra, Assistant Provincial Director for Maguindanao del Sur na dinaluhan ng mga opisyal mula sa MAFAR regional office na sina Tong Abas, Director II for Research and Development Extension Services at Tong Satol, Chief Agriculturist for Research and Development Extension Services.
Nakatanggap ang 100 rice farmers ng hybrid palay seeds at foliar fertilizers. Maliban sa farm inputs, sila rin ay dumaan sa tatlong (3) araw na pagsasanay upang bigyan sila ng sapat na kaalaman sa mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka.
Si Tong Abas, Director II for Research and Development Extension Services, ay nananawagan sa bawat Bangsamoro na maging mulat sa ating kampanya na maging “RICEponsible”.
Hinamon din ni Dir. Abas ang rice farmers sa Sultan Mastura na mag-shift sa hybrid rice upang lalo pang mapalaki ang kanilang produksyon dahil may irigasyon o sapat na suplay ng tubig sa lugar at patuloy naman ang suporta ng MAFAR sa kanilang sakahan.
“Kami sa MAFAR ay gumagawa ng aming makakaya upang suportahan ang aming mga magsasaka ng palay na mapabuti ang kanilang paraan ng pagsasaka sa pamamagitan ng paghahandog ng kaalaman sa makabagong teknolohiya at pagbibigay ng farm inputs, ” ang wika ni Dir. Maulana.
Sinabi rin ng Direktor na ang mga interbensyon na ito ay magtitiyak ng sapat na pagkain, pagpapanatili at matiyak ang pagkain sa hapag para sa bawat mamamayang Bangsamoro.
Labis ang pasasalamat ni Adam Evaristo, Sultan Mastura MAFAR Municipal Officer (MMO) dahil ayon sa kanya, ang programa ay isang napakalaking oportunidad para sa magsasaka ng palay.
Dagdag ni MMO Evaristo sa kanyang pangwakas na mensahe na, “Kami ay nagsisikap para maiparating ang serbisyo ng MAFAR kaya naman lagi nating pahalagahan kung anong meron tayo.”
Ang “Maging RICEponsible” ay isang kampanya na naglalayong hikayatin ang mga magsasaka, gumagawa ng patakaran, at ang publiko na maging RICEponsible sa kanilang sariling mga paraan. Ito ay para mapaunlad nila ang kanilang sarili o pamilya habang tumutulong sa pagpapabuti ng industriya ng bigas sa rehiyong Bangsamoro o sa buong Pilipinas.
Ang National Rice Awareness Month ay ipinagdiriwang tuwing Nobyembre gaya ng idineklara ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng Presidential Proclamation 524, series of 2004.